- Tina Pascual

- Apr 8, 2020
- 4 min read
Updated: Aug 31, 2020
“Uuy, uuy! Ayan na mahuhulog na silang dalawa”, tukso ng mga kalaro namin habang pilit kaming tinutulak sa ilog.
Anim na taong gulang ako noon at sya nama’y lima. Hindi ko na matandaan ang kanyang mukha, pero ang aking nararamdaman ay malinaw pa sa tubig ng ilog. Ika nga, ‘first love never dies’.
Magmula noon, palagi na kaming magkakampi at magkalaro. Paborito namin ang karate at kotse-kotsehan.
Makalipas ang ilang taon, nagpasya ang mga magulang ko na manirahan na sa Maynila. Mahigit isang araw ang binaybay namin sakay ang barko. At mula nung panahon na iyon, ay nabura na siya sa aking isipan.
Hanggang isang araw…
“Darating mamaya ang pinsan mong si Ron-ron. Dito na rin sya sa Maynila mag-aaral. Pansamantala, dito muna sya sa atin titira habang hindi pa sya sinusundo ng kanyang lolo”, balita ng aking ina.
Kinagabihan, dali-dali akong gumapang ng tahimik sa sahig at sumilip sa may hagdan para masilayan sya. Halo-halong kaba, tuwa, sabik at hiya ang nararamdaman ko nung muli ko syang makitang nakaupo at halatang naiinip. Balot na balot sya ng kanyang itim na chaketa at pantalon, pero maputing-maputi ang kanyang mukha. Bilogan ang kanyang mga mata at mala-kayumanggi ang kanyang kulot na buhok. Sya na ata ang pinakaguapo na nakita ko. Lahat sa kanya ay kamangha-mangha.
“Iniisip nya rin kaya ako?”, tanong ko sa sarili.
Trece anyos na ako. Bata pa pero nagdadalaga na ang puso. Alam kong sa pagkakataong ito, inlab ako sa kanya.
Ilang oras pa, inimbitahan ng aking ina ang aming mga kalaro sa kalapit bahay para sa masayang hapunan. Sabay-sabay kaming naglapitan sa hapag kainan at nang magtama ang aming paningin, binati nya ako. Bigla namang nanginig ang aking mga tuhod. Gayun pa man, pinili ko pa ring tumabi sa kanya at sa kabila naman nya naupo si Iris. Ilang saglit pa, nag tawanan sila tungkol sa itsura ng nakahaing itlog. Sa sobra kong selos, tumayo ako at nagprisintang magtimpla ng gatas para sa lahat. Palihim ko itong nilagyan ng napakaraming asukal.
Kinabukasan, nagising na lang ako na nasundo na si Ron-ron ni lolo Leon. Agad akong nangulila at nagbaling na lamang ng atensyon sa kakasulat ng kanyang pangalan kung saan saan - sa mga mababangong papel, makukulay na kwaderno at maliliit na talaan. Para sa akin, ang pangalan nya ang pinakamaganda sa buong mundo at paulit-ulit ko itong sinasambit sa sarili. Kung minsan, sumusulat ako ng liham para sa kanya kahit na wala naman akong intensyong ibigay ang mga iyon. Ginagawa ko iyon para maibsan ang aking pananabik na makasama sya.
Madalas, namimintana ako at nangangarap na kami ay magmamahalan, magpapakasal, magkakaroon ng mga anak, at magiging masayang-masaya. Sa lakas ng nararamdaman ko, sigurado akong sya lamang at wala ng iba ang gusto kong makasama habang buhay.
Nang dumating ang bakasyon sa eskwela, dumalaw sya sa wakas. Naging madalas ito hanggang sa punto na nakikitulog na sya ng ilang gabi sa amin. Nagkaroon kami ng araw-araw na pagkakataong maglaro ng video games, mamasyal ng magkahawak-kamay sa kalye, umaakyat ng bubong kasama ang aking mga kapatid at nagpapaandar ng bangkang papel sa tabing-ilog. Tuwing gabi, sabay-sabay kaming kumakain at nag aagawan sa pareho naming paboritong prutas na mangga.
Isang beses, sa hapag kainan, biniro ako ng aking mga kapatid at sinabi sa kanya ang aking sikretong pag sinta. Nabasa daw nila ang aking pinakatago-tagong mga liham para kanya. Nahiya ako pero lumipas ang mga araw na sya pa rin ang alam kong pag-ibig. Sya lamang ang gusto kong makasama.
Umaasa ako na gusto nya rin ako at naniniwala ako na matutupad din ang mga pangarap ko. Ngunit, sa tuwing ako ay tinatanong ng mga kaibigan kung, ‘Sino ang crush mo?’, wala akong sagot. Pilit ko itong tinatago dahil alam kong mali. Mali dahil pinsan ko sya. Pinsan ko sya pero mahal ko sya.
Ang isyung ito ay agad namang nakarating sa aking mga magulang, “Tigilan mo na yang kahibangan mo. Hindi mo ba alam na hindi pwede maging kayo? Mag pinsan kayo! Marami pa namang iba dyan.”
Pero, mahigit dalawang taon ko ring kinimkim ang nararamdaman ko. At sa sobrang dalawang taon na iyon, hindi ko na rin sya nakita. Madalas akong nagbabalot ng mga damit, nagbabakasakali na kung bumalik sya, sasama na ako sa kanya. Pero hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya at wala rin akong balita. Marahil umiwas sya dahil sa kanyang nalaman tungkol sa nararamdaman ko para sa kanya, o baka sadyang, naabala lang kami sa kani-kan’yang buhay.
Hanggang sa higit dalawang dekada na ang nakakaraan, nakikita ko na lang ang sarili kong napapangiti sa tuwing dapapadaan sa mga ilog. Klaro kong na-aaninag ang una kong pag-ibig.
Naaalala ko, nung kami’y tinulak ng kalaro at tuluyang nahulog sa ilog. Umahon ako, nagkatingginan kami at nagtawanan na lamang.

Maka-ilang ulit pa akong napadaan sa tabing-ilog papunta sa bahay ng aking kapatid nang bigla akong nakatanggap ng tawag galing sa kanya, “Meron ka bang alam na mapapasukan ko dyan sa ibang bansa?”.
Ang pangako ko ay tutulong ako at nag sambit ng may pananabik, “Namimiss ko na kayo”. Binaba nya agad ang telepono.
Patay malisya at ang tamis ng unang pag-ibig ay napawi na ng napakahabang panahon. Pero yun na ang huli kong mga salita bago natapos ang aming pag-uusap.
Kung mabibigyan ako ng sandali para makapagsalita pa, sasabihin ko...
Sasabihin ko ulit kung gaano ako nasasabik sa kanila. Sa kanilang lahat na naiwan ko sa Pilipinas. Dahil sa unang pagkakataong tumunog ang aking bagong telepono, nakaramdam ako ng matinding pangungulila sa pamilyang naiwan ko dahil pinili kong lumayo sa kanya at maging isang OFW.
* For English version: https://www.thediaryofahousewife.com/post/my-first-love-is-my-cousin
